INAASAHANG titindi pa ang aksyonan ngayong pagpasok ng taong 2024 sa bahagi ng mga tsuper ng jeep dahil sa pagpapairal ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Nakailang ulit na rin na-extend ang deadline sa pagpapatupad ng programa dahil sa kahilingan ng ating mga tsuper, at kung maaari nga lang daw ay huwag nang ipatupad ito. Marami ang mawawalan sa kanila ng hanap-buhay ang sabi nila.
Mamimis naman natin talaga ang naglipanang jeepney kapag naimplementa na ang programa na inaasahang magsisimula ngayong Enero. Pero kung tutuusin, kailangan naman talaga natin ito.
Una, pinabayaan na rin ng ating mga tsuper ang kanila mismong pinagkukunan ng kabuhayan. Karamihan sa kanila ay dilapitado na at bumubuga na ng usok na nakaririmarim. Pangalawa, tila pinangatawanan na nila ang pagiging “king of the road” o “hari ng lansangan”, na kahit saan na lang ay nagbaba at nagsasakay ng mga pasahero.
Sa lansangan, kailangan talaga ang ‘give and take’, bigayan ‘ika nga para di tayo maging sanhi nang pagkabuhol-buhol ng trapiko. Kailangan din nating protektahan ang isa’t isa sa polusyon bunga ng mga usok sa ating mga makina.
Kung ang PUVMP ang makakapag-bigay ng solusyon sa mga ito, bakit naman pa natin tututulan? Sige sabihin n’yo nang ‘di lang ito ang dahilan. At kung ang sinasabi n’yong pagkahirap-hirap na ‘consolidation’ ang malaking balakid, dapat siguro, sila ang aking tapikin.
Para sa Department of Transportation na siyang nangangasiwa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, kayong dalawang ahensiya ang nangunguna rito sa PUVMP, dapat ay plinano n’yong mabuti muna ito nang sa ganoon ay magkakaintindihan ang lahat.
May lumapit nga sa akin, Uni-Five Transport Phils Corp, may bente-sais (26) na unit ng UV Express na may intensiyong sumali sa consolidation para ‘di mawalan ng trabaho ang kanilang mga driver, ang sabi hanggang ngayon wala pa silang nasisimulan, kahit na kumpleto na ang mga dokumentong kailangan.
Ang dahilan – pinababalik-balik lang daw sila diyan sa LTFRB at kung ano-anong dokumento ang hinahanap, hanggang sa maabutan na ng deadline.
Ang tanong ko naman sa operator, baka ‘di nila tinanong magkano ang kalakaran? ‘Yan naman talaga ang inaabangan d’yan sa LTFRB at DoTr, kung kinakailangan mo ang kanilang ayuda, kailangang ikaw muna ang magbigay ng ayuda. Di ba, my sister Celine Pialago?