MANILA, Philippines – Tiniyak ng World Health Organization (WHO) na ang hantavirus outbreak na kaugnay ng cruise ship MV Hondius ay “hindi isa pang Covid,” at nananatiling mababa ang panganib nito sa publiko.
“I need you to hear me clearly: this is not another Covid,” ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus sa isang open letter para sa mga residente ng Tenerife, Spain kung saan inaasahang darating ang barko.
“The current public health risk from hantavirus remains low.”
Aabot sa humigit-kumulang 150 katao ang sakay ng Dutch-flagged vessel na inaasahang papalapit sa Tenerife, habang nakikipagtulungan ang WHO sa pagko-coordinate ng evacuation.
Tatlong pasahero—isang mag-asawang Dutch at isang German na babae—na ang nasawi, habang may iba pang nagkasakit.
Kinumpirma rin na ang Andes virus strain, ang tanging uri na maaaring maipasa mula tao sa tao, ay natukoy sa ilang positibong kaso na nagdulot ng pangamba sa internasyonal na komunidad. Gayunman, sinabi ng WHO na ayon sa eksperto na nasa barko, “wala pang symptomatic passengers” sa kasalukuyan.
Kinilala ni Tedros ang pangamba ng publiko at inalala ang karanasan sa COVID-19 pandemic, ngunit tiniyak na mahigpit ang koordinasyon sa mga awtoridad ng Spain.
“I know you are worried… The pain of 2020 is still real,” aniya.
Dagdag niya, nananatiling mababa ang panganib sa mga residente ng Tenerife at nakahanda ang mga medikal na suplay at detalyadong evacuation plan.
Sa ilalim ng plano, ililipat ang mga pasahero sa isang kontroladong ruta sa port bago direktang i-repatriate sa kani-kanilang bansa.
“You will not encounter them. Your families will not encounter them,” ayon kay Tedros. Dave Baluyot