MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House Committee on West Philippine Sea nitong Martes ang House Bill 8673 na layong magbigay ng hazard pay sa mga civilian government personnel na naka-assign o dine-deploy sa West Philippine Sea.
Sakop ng panukala ang “permanents, temporary, contractual, and job order” na mga empleyado mula sa Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Department of Science and Technology, at iba pang ahensya na nagsasagawa ng maritime operations, research, monitoring, at logistical support.
Ayon sa panukala, ang hazard pay ay itatakda ng mga ahensya at ibabase sa bilang ng araw ng aktwal na exposure sa hazardous duty. Ito ay dagdag sa basic salary, subsistence allowance, at iba pang benepisyo, at hindi maaaring bawasan ang kasalukuyang allowances.
“Their researchers, administrative and logistical support staff are exposed to the same hazardous conditions as our uniformed personnel. Kaya mahalaga na mabigyan natin sila ng nararapat na pagkilala, sapat na proteksyon, at makatarungang kompensasyon tulad ng kanilang counterparts in uniformed services,” ayon kay Akbayan party-list Rep. Percival Cendaña.
Samantala, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na pag-aaralan nila ang pagsama ng job order at contractual workers dahil wala pa silang employer-employee relationship sa gobyerno, ngunit bukas silang suriin ang panukala.
Nilinaw rin ng DBM na pagdating sa LGU personnel, karaniwang dapat manggaling sa local government ang pondo ng kanilang benepisyo.
Kailangang aprubahan pa ang consolidated version ng panukala sa ikatlo at huling pagbasa sa Kongreso bago ito maisabatas. RNT/MND