MANILA, Philippines – Natuklasan ng mga awtoridad na may ikatlong barko sa Bataan ang naglalabas ng “environmentally harmful material.”
Sa ulat, nakita ang langis na tumatagas patungo sa dagat mula sa mga tangke sa loob ng Motor Vessel (MV) Mirola 1, na nakasadsad sa dalampasigan ng Mariveles, Bataan.
Nakita ng National Bureau of Investigation (NBI) Counter Intelligence Division, NBI Bataan, Naval Intelligence sa Freeport Area ng Bataan Police ang barko na nakatagilid.
Wala naming nakitang tauhan sa loob ng barko.
Noong nakaraang taon, nahuli ng NBI ang crew ng MV Mirola 1 na sangkot sa pagpupuslit ng mahigit 30,000 litro ng diesel.
Iniimbestigahan ng Bureau of Customs kung ang mga langis ba ng MV Mirola 1 ay smuggled.
Samantala, kasalukuyang pinaghahanap ng NBI ang may-ari ng barko.
Ang pagkakadiskubre sa MV Mirola 1 ay kasunod ng ulat na lumubog ang Motor Tanker (MTKR) Jason Bradley sa Mariveles karga ang 5,500 litro ng diesel, at ang paglubog ng MT Terranova sa Limay, na may kargang 1.4 milyong litro ng industrial oil fuel. RNT/JGC