Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, na mahalagang magamit nang mahusay ang pampublikong pondo na nakalaaan sa pagkumpleto ng health facility projects, lalo sa mga komunidad.
Sa pagdinig kamakailan sa Senado, isinentro ang pagtalakay sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP) kung saan ay nagbigay ng update ang Department of Health (DOH).
“Update lang po sa utilization ng HFEP po ninyo DOH since this year. Magkano ba ang funding allocation for HFEP for 2025? At sa inyong 2024, kumusta na po ang inyong utilization or I mean completion ng projects under HFEP?” tanong ni Go ukol sa kasalukuyang estado ng mga proekto ng HFEP.
“Mr. chair, our HFEP budget for 2025 amounts to PhP 35 billion. And for the HFEP of 2024, we are 64% obligated. So, under implementation po siya as of this time. And hopefully, we increase the disbursement ngayong first quarter of the year, Mr. Chair,” ang tugon ni DOH Undersecretary Emmie Liza Perez-Chiong.
Nagpahayag ng pagkabahala si Senator Go tungkol sa mga ulat ng pagkaantala, hindi pagkumpleto sa mga proyekto, at mga isyu sa mga kontratista.
“Paki-check lang po muli… ‘Yung mga nai-report the past months. ‘Yung ‘di pa natatapos, kulang pa, mabagal ‘yung construction at ‘yung iba. Merong behind sa mga nagtatrabaho… So sabi n’yo, during the last hearing, ay titingnan n’yo po ito na ‘yung may mga delays na trabaho at dapat matapos dahil ayaw nating maging white elephant ito,” ayon kay Go.
Binigyang-diin niya na mahalagang matiyak na ang mga pasilidad sa kalusugan ay gumagana sa lalong madaling panahon.
“Ang layunin ng ating mga pasilidad ay dapat na gawing operational kaagad o pinakamaaga. Dapat po, mapakinabangan po ito ng mga pasyente,” anang senador Go.
“And aside from that, paano magiging operational ito kung walang equipment at personnel? Ano ba ang balak ng DOH dito sa mga health centers na kulang ‘yung personnel at kulang ‘yung mga equipment? Binibigyan n’yo ba ito ng prayoridad sa ngayon to make it operational at hindi po nakatiwangwang at maging white elephant?” usisa pa ni Go.
Tiniyak naman ni Undersecretary Perez-Chiong sa komite ang pangako ng DOH na siguruhing fully functional at operational ang mga pasilidad sa kalusugan. Ipinaliwanag niya na ang kanilang pangunahing layunin ay suportahan ang mga kasalukuyang istruktura sa pagkuha ng mga kinakailangang lisensya upang tuluyang gumana.
Binigyang-diin din ni Perez-Chiong na ang mga pasilidad na ito ay kasalukuyang kulang ng mga lisensya dahil sa mga partikular na pangangailangan na kailangan pang tugunan.
Ipinunto rin ni Senador Go ang mga problema tungkol sa pagkaantala ng konstruksyon dulot ng mga proseso ng blacklisting at re-bidding ng contractor. Hinimok niya ang DOH na tugunan ang mga isyung ito nang mabilis sa pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Since meron kayong MOA, I mean, with the DPWH para mas mapabilis ‘yung construction paki-check naman po kasi ‘yung report nga po na last hearing meron sa Agusan del Norte na na-blacklist, kaya na-rebid. So it will cause some delays na naman po ‘pag gano’n.”
Dagdag pa rito, binigyang-diin ni Senator Go ang potensyal sa mga programang e-Konsulta na magpapalawak sa access sa pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng mga Super Health Center na itinatayo kapag nagagamit na.
“Plano talagang i-accredit itong mga Super Health Centers with the e-Konsulta program ng PhilHealth (Philippine Health Insurance Corporation) para mas mapaigting pa at mas mapalawak pa ‘yung access ng e-Konsulta program po ng PhilHealth through Super Health Centers. Paki-tutukan lang po nito,“ iginiit ni Go. RNT