Home NATIONWIDE Health products na napinsala ng baha ibinabala ng FDA

Health products na napinsala ng baha ibinabala ng FDA

MANILA, Philippines – Kasunod ng pananalasa kamakailan na dulot ng bagyo at Habagat, naglabas ng babala ang Food and Drug Administration (FDA) hinggil sa pagbili ng mga produktong pangkalusugan na napinsala ng pagbaha.

Sinabi ng FDA na maraming pabrika, bodega, at establisyimento na sangkot sa pagmamanupaktura, pagproseso, pag-iimpake, o pag-iimbak ng mga produktong pangkalusugan—kabilang ang mga botika at retail outlet—ang nalubog sa tubig-baha.

Sa pagkakalantad nito ay nakokompromiso ang kalidad, kaligtasan, bisa at pagiging tunay ng mga produkto.

Upang tugunan ang mga alalahaning ito at protektahan ang kalusugan ng publiko, inulit ng FDA ang kanilang Circular 2012-014, na pinamagatang “Disposition of Flood-Affected Health Products,” na orihinal na inilabas noong Agosto 16, 2012.

Ang FDA circular ay nagsisilbing paalala sa parehong mga establisyimento at mga mamimili tungkol sa mga panganib na nauugnay sa mga produktong pangkalusugan na nasisira sa tubig.

Partikular nitong isinasaad na ang mga produktong pangkalusugan na nakalantad sa tubig-baha ay hindi dapat ibenta o muling ibenta, dahil maaaring makompromiso ang kaligtasan at bisa ng mga ito. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)