IPINAG-UTOS ni Education Secretary Sonny Angara sa Department of Education Bureau and Service Directors sa Central Office, Regional Directors (RDs), at Schools Division Superintendents (SDSs) na gawin ang lahat ng hakbang para maging mabilis ang ‘hiring process’ para sa lahat ng bakanteng posisyon sa departamento.
Ipinalabas ni Angara ang direktiba matapos na ihayag ng DepEd ang pangangailangan na punan ang mga bakanteng posisyon kabilang na ang lahat ng “new teaching and non-teaching DepEd-authorized positions” base sa DepEd Memorandum No. 42, s. 2024.
Nito lamang Mayo, 46,703 mula sa 1,030,897 na authorized DepEd positions ang nananatiling bakante.
“The identified remaining vacant items pose a challenge to the operations of offices and the absorptive capacity of DepEd,” ang nakasaad sa kalatas ng DepEd.
Maliban dito, ipinag-utos din ng Kalihim ang napapanahon na paga-update sa Personal Services Itemization and Plantilla of Personnel and the DBM-GMIS database, Program Management Information System, Quick Count for FY 2024 items, at Deployment Monitoring Tool para matiyak ang wastong monitoring ng DepEd ‘filled at vacant items.’
Samantala, nilagdaan naman ni Angara ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 11997 o “Kabalikat sa Pagtuturo” Act, na magbibigay ng teaching allowance para sa mga guro sa pampublikong paaralan. Kris Jose