MANILA, Philippines – Nagpatupad ng heightened alert o pinakamataas na alerto ang Philippine Coast Guard (PCG) habang umaabot na sa mahigit 100,000 ang mga pasaherong bumibiyahe sa iba’t ibang pantalan ngayong Semana Santa.
Mula alas-6 ng umaga hanggang tanghali ng Lunes, naitala ang 55,269 palabas at 46,724 papasok na pasahero.
Nasa 17,000 tauhan ang ipinakalat ng PCG mula Abril 13 hanggang 20 upang tiyakin ang kaligtasan ng mga biyahero, kasama ang 4,102 frontline personnel na nagsagawa ng inspeksyon sa mga barko at bangka.
Nagsasagawa rin ng baggage inspection ang K-9 units at may mga sea marshal sa biyahe mula Maynila patungong Cebu at Zamboanga.
Nakikipagtulungan din ang PCG sa PPA, MARINA, at DOT para sa seguridad sa mga pantalan at tourist spots. Pinayuhan ang publiko na huwag magdala ng ipinagbabawal na gamit upang maiwasan ang abala. RNT