MANILA, Philippines – Iginiit ng kampo ng sinibak na Bulacan district engineer Henry Alcantara na wala siyang balak tumakas at nakahanda umanong makipagtulungan sa lahat ng imbestigasyon kaugnay ng umano’y ghost flood control projects sa kanyang distrito.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Allan Dueñas, layon ni Alcantara na linisin ang kanyang pangalan at patunayang hindi siya ang “kingpin” ng maanomalyang proyekto.
“Engr. Alcantara maintains his innocence: he did not author these alleged ghost projects. Any wrongdoing was done behind his back, without his knowledge, acquiescence or approval,” pahayag ng kanyang kampo.
Dagdag pa nila, lalabanan ng dating district engineer ang lahat ng paratang na siya’y nakinabang o sangkot sa anumang ilegal na gawain.
Ito’y matapos umamin si Alcantara sa unang pagdinig ng House infrastructure committee na naging “negligent” siya sa paglagda ng completion certificates para sa isang P55-milyong flood control project sa Baliuag, Bulacan na napatunayang hindi umiiral nang bisitahin mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Maliban dito, itinuro rin ni Manila Rep. Joel Chua na inaprubahan ni Alcantara ang P94.6-milyong river protection structure sa Bulusan, Calumpit na ipinagawa sa St. Timothy Construction, at isang P74.6-milyong flood mitigation project sa parehong bayan na ipinagawa sa Wawao Builders.
Bagama’t itinanggi ni Alcantara na alam niyang ghost projects ang mga ito, inamin niyang siya ang humiling na maisama ang mga proyekto sa National Expenditure Program.
Dahil dito, ipinag-utos ni DPWH Secretary Vince Dizon ang kanyang agarang pagtanggal sa serbisyo, at idineklarang guilty sa “disloyalty to the republic, grave misconduct, gross neglect in the performance of duty, at conduct prejudicial to the best interest of service.”
Samantala, hinamon ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon si Alcantara na patuloy na humarap sa mga pagdinig at tulungan ang imbestigasyon.
“Alcantara must assist in finding the truth behind the ghost and substandard projects in the DPWH Bulacan 1st District Engineering Office — the office he led during the implementation of the anomalous projects,” ani Ridon. RNT/JGC