Home HOME BANNER STORY Pagdinig ng House InfraComm sa Sept. 9, tututok sa Discaya-linked firms

Pagdinig ng House InfraComm sa Sept. 9, tututok sa Discaya-linked firms

251
0

MANILA, Philippines – Itutuloy ng three-panel House Infrastructure Committee (InfraComm) ang pagdinig sa Setyembre 9 kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects, na sa pagkakataong ito ay tututok sa mga kompanya ni Sarah Discaya na nakakuha ng bilyong kontrata mula sa gobyerno, ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.

“Sa darating pong pagdinig, I think the focus will be on the Discaya-linked firms — the projects that they undertook, ‘yun pong mga corporate structure po nila, ‘yung ways kung paano sila sumali sa mga biddings,” ani Ridon sa Saturday News Forum sa Quezon City.

Nauna nang nag-isyu ng subpoena ang InfraComm kay Discaya at iba pang contractor para lumahok sa Setyembre 9 inquiry.

Binawi ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensiya ng siyam na construction firms na kontrolado ni Discaya matapos niyang aminin sa Senate inquiry na sabay-sabay nakabibid ang kanyang mga kompanya sa mga kontrata ng gobyerno. Nakatakdang iapela ni Discaya ang desisyon, ayon sa kanyang abogado.

Kabilang din sa subpoena sina Mark Arevalo ng Wawao Builders Corp., Miguel Juntura ng St. Timothy Construction Corp., Romeo Miranda ng Royal Crown Monarch Construction, at Sally Santos ng Syms Construction Trading.

Binalaan ni Ridon na maaaring i-cite in contempt at ipaaresto ang mga contractor kung hindi sila susunod sa subpoena.

Dagdag pa ng mambabatas, tatalakayin din sa pagdinig ang P96-milyong flood control project sa Plaridel, Bulacan na itinoka sa Wawao Builders ngunit kalaunan ay nadiskubreng “ghost project.”

Ayon kay Ridon, posibleng inimungkahi ang proyekto ng isang kongresista o senador sa bicameral conference committee para sa 2024 national budget.

“We would have to ask the members of bicameral conference committee of 2024: Alam po ba ninyo kung sino po ang nalagay, nagpropose nitong line item na ito for flood control sa Plaridel, Bulacan?” aniya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here