MANILA, Philippines – Inalis sa puwesto ang hepe ng isang police station at ilang pulis na sangkot sa engkuwentro na nauwi sa shootout at ikinasawi ng isang 12-anyos na babae sa General Santos City, habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Base sa ulat, rmesponde ang mga pulis noong Abril 18, 2026 sa Barangay Labangal matapos ang ulat na isang lalaki ang nagpaputok ng baril.
Sinabi ng pulisya na pinaputukan sila ng suspek na armado ng kalibre .45 kaya gumanti sila ng putok. Napatay ang suspek at narekober mula sa kaniya ang isang baril at mga sachet na may hinihinalang shabu.
Ngunit sa gitna ng palitan ng putok, tinamaan sa ulo ang isang 12-anyos na babae at nasawi. Ayon sa pulisya, ang suspek ang umano’y nakabaril sa biktima.
Kinuwestiyon ng pamilya ng bata ang operasyon ng pulisya dahil nagpatuloy umano sa pagpapaputok ang mga operatiba kahit ipinaalam na may mga bata sa loob ng bahay na ginamit na cover.
Ipinakita ni Police Major Armando Galigo ng PRO-12 Regional Forensic Unit ang nakuhang baril na kalibre .45 na may open hammer at extended magazine.
Sinusuri ng mga awtoridad kung tama ang naging desisyon ng mga pulis na makipagbarilan sa isang mataong lugar.
“Kapag crowded ang area, dapat mag-isip-isip ka. Puwede natin i-let go ang apprehension o arrest ng suspect. We can still do regular filing of case in court,” ayon kay Internal Affairs Service-12 Chief Police Lt. Col. Henry Cay-as.
Tatlong pulis mula sa Police Station 2 at ang kanilang station commander ang inalis sa puwesto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Maaari silang maharap sa administrative case kung mapapatunayang may kapabayaan.
Ayon kay PRO-12 Director Police Brigadier General Arnold Ardiente, inalis sa puwesto ang station commander upang matiyak ang patas at malayang imbestigasyon, at maaari ring isailalim sa refresher training ang mga pulis depende sa magiging resulta ng imbestigasyon. Mary Anne Sapico