ANGADANAN, Isabela – Viral ngayon sa social media ang di umano’y panunutok ng baril ni PMaj. Rassel Tuliao, hepe ng Angadanan Police Station matapos rumosponde at mamagitan sa pinag-aawayan lupa sa ilan magsasaka sa Barangay Viga dito sa nasabing bayan.
Todo-tanggi si PMaj. Tuliao sa panunutok di umano sa mga magsasakang hindi paawat sa paninira ng bakod at iba pang kagamitan matapos kumalat sa social media ang video.
Ayon kay PMaj. Tuliao, nirespondehan lamang umano nila ang gulo sa naturang barangay na kinasasangkutan ng mga magsasaka na may kaugnayan sa lupa na pagmamay-ari ng pamilyang Gamboa.
Ipinagdidiinan kasi umano ng mga magsasaka na tenant sa pinag-aagawang lupa na pagmamay-ari nila ito ngunit pinaburan ng korte ang panig ni Gamboa na bilang may-ari ng nasabing lupa.
Dahil sa sinugod umano ng mga magsasaka ang lugar ng mga Gamboa ay personal silang nagtungo sa lugar at personal niyang nakita ang isang tenant na si Flores Agbayani na tinatanggal nito ang bakod sa pinag-aagawang lupa.
Kung kayat inaresto si Agbayani sa pamamagitan ng warrantless arrest dahil sa kanyang ginawang malicious mischief.
Kinausap umano nila ito na sumama sa kapulisan dahil sa ginawa nito ngunit imbes na tumalima ay naghamon umano ito ng away at nagmura.
Aminado si PMaj. Tuliao na bumunot siya ng baril dahil na rin sa impormasyon na mayroong baril si Agbayani ngunit pinabulaalanan niya ang alegasyong itinutok niya ito sa mga magsasaka dahil makikita naman umano sa video na hindi niya ito itinutok sa kahit na kanino.
Aniya, hindi kumpleto ang pinost na video sa social media dahil nakuhanan naman umano ng video ang pakikiusap nito ng maayos sa mga sangkot.
Bagama’t naka civilian sila nang rumesponde ay iginiit ni PMaj. Tuliao na legitimate ang kanilang operasyon dahil naitaon lamang umano na dumalo sa siya sa isang intelligence meeting kaya hindi ito naka uniporme.
Nanawagan siya sa publiko na alamin muna ang katotohanan bago manghusga at magkomento sa social media. Rey Velasco