MANILA, Philippines – Ikinuwento ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa noong Biyernes na posibleng may tinatawag na “DOH mafia” sa likod ng sunod-sunod na reklamo laban sa kanya, kabilang ang graft case kaugnay ng umano’y pagkasayang ng higit P1.4 bilyong halaga ng gamot.
Isang grupong nagpakilalang Concerned Department of Health Personnel ang nagsampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman noong Marso 31 laban kay Herbosa at 16 pang opisyal ng DOH.
Ayon kay Herbosa, umabot na sa 13 reklamo ang naihain laban sa kanya mula noong Hunyo 2025.
Hinimok niya ang mga nagsampa ng kaso na magpakilala.
“Yung mga nagfa-file, concerned DOH employees, sana magpakilala sila. Kasi kung may basehan talaga sila, they should be able to be bold enough to come out,” ani Herbosa.
Ibinahagi rin niya ang kanyang hinala na ang grupo ay maaaring bahagi ng tinatawag niyang “DOH mafia.”
“Actually, ang theory ko, theory ko is ‘yang concerned DOH employees, ‘yan ‘yung DOH mafia na tinatawag nila. Sino ‘yung mafia? Nadiskubre ko kasi, meron ding corruption sa DOH,” dagdag niya.
Gayunman, hindi niya pinangalanan ang sinasabing mga sangkot.
Sa reklamo tungkol sa umano’y P1.4 bilyong halaga ng gamot na nasayang, sinabi ni Herbosa na wala pa siyang natatanggap na pormal na notice mula sa Ombudsman at sasagot siya kapag mayroon na.
Tugon din niya sa hiwalay na isyu ng expired COVID-19 vaccines na binanggit sa ulat ng Commission on Audit (COA), sinabi niyang hindi siya ang bumili ng mga ito.
“I think that’s the COVID-19 vaccine. Nasa COA report ‘yan, nababasa naman ‘yan. But I didn’t buy that,” paliwanag niya.
Ayon pa sa kanya, ang mga expired na bakuna ay wala pang 10% ng kabuuang supply na binili noong panahon ng pandemya.
Giit ni Herbosa, hindi siya dapat sisihin sa pag-expire ng mga bakuna at posible umanong bahagi ito ng “demolition job” laban sa kanya. RNT/MND