BENGUET, Philippines – Hinimok ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Sabangan, Mountain Province noong Biyernes ang mga magsasaka na iwasan ang “kaingin” o slash-and-burn farming sa paghahanda para sa susunod na taniman, dahil ito ang karaniwang sanhi ng forest fire.
Ayon kay Senior Fire Officer IV Sherwin Cogasi, acting fire marshal ng Sabangan Municipal Fire Station, hindi dapat sunugin ang tuyong damo at dahon sa mga sakahan dahil madali itong kumalat lalo na tuwing tag-init.
“We call on our farmers not to burn the dry grasses and leaves at their farms as they easily light and spread, especially during the summer season,” ani Cogasi sa panayam.
Nabatid na ang forest fire noong Abril 7 na kumalat sa kabundukan at umabot sa highway ay nagsimula umano sa “kaingin” activity. Dahil sa matarik na lugar, nahirapan din ang mga bumbero na apulahin ang apoy.
“It is better to leave the dry leaves and grasses on your farm to become natural fertilizers than burn them and later lose control due to the wind,” dagdag niya.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang kooperasyon ng lahat upang maiwasan ang forest fire dahil sinisira nito ang mga punong itinanim sa ilalim ng National Greening Program (NGP) at nagdudulot ng polusyon sa hangin na maaaring magdulot ng sakit sa paghinga.
Nagpaalala rin ang BFP sa mga naninigarilyo na huwag magtapon ng upos ng sigarilyo kung saan-saan at sa mga magulang na itago ang posporo o lighter upang maiwasan ang aksidenteng sunog.
Ayon sa BFP-Cordillera, may limang forest fire na naitala sa Mountain Province noong 2025 na nakaapekto sa mahigit walong ektarya. Sa buong rehiyon, umabot sa 24 insidente ang naitala na sumunog sa 13,713 ektarya ng kagubatan.
Sa pag-init ng panahon, maraming forest fire din ang naitala sa ikalawang linggo ng Abril sa mga bayan ng La Trinidad, Itogon, Mankayan, Bokod, at Bakun sa Benguet, at sa Bontoc, Mountain Province. RNT/MND