MANILA, Philippines – Nasa 100 pamilya ang apektado sa nangyaring sunog sa Bato, Leyte nitong Linggo kasabay ng pananalasa ng Bagyong Uwan.
Naganap ang sunog sa Barangay Iniguihan pasado 4:30 ng madaling-araw nitong Linggo, Nobyembre 9.
Nasa 102 pamilya o 336 indibidwal na nakatira sa 82 bahay ang apektado sa sunog, sinabi ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Bato.
Tumagal ng mahigit dalawang oras ang sunog bago naapula.
Dahil pawang gawa sa light materials ang mga bahay ay mabilis itong kumalat, kasabay pa ng malakas na hanging dala ng Bagyong Uwan.
Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente.
Tumutuloy sa municipal evacuation center ang mga biktima ng sunog.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection upang matukoy ang sanhi ng sunog. RNT/JGC