Home NATIONWIDE Higit 100K sasakyan wala pa ring RFID

Higit 100K sasakyan wala pa ring RFID

MANILA, Philippines – Humigit-kumulang 100,000 sasakyan ang walang radio frequency identification device (RFID), sinabi ng opisyal ng Toll Regulatory Board (TRB) nitong Lunes.

”About 100,000, so malaki pa rin iyong ating walang ano. Kaya humihingi po kami, pinapakiusapan po natin ang ating mga tollway express users na wala pang RFID, magpakabit na po kayo ng RFID sa lalong madaling panahon,” ani TRB executive director Alvin Carullo sa Palace press briefing.

Ang nasabing bilang ay 4.8% ng bilang ng mga motorista, ani Carullo.

Muling inilipat ng Department of Transportation (DOTr) ang implementasyon ng binagong guidelines sa toll expressways sa susunod na taon.

“Ang DOTr ay may mga tool upang matugunan ang pagsisikip sa mga pangunahing kalsada ngunit naglalaan ng oras para sa isang masusing pagsusuri upang matiyak na ang mga solusyon na ito ay nakakatugon sa mga pangangailangan ng mga motorista,” sabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista noong Linggo sa isang pahayag.

Ang mga parusa para sa mga paglabag sa Joint Memorandum Circular No. 2024-001 o ang Revised Guidelines for All Vehicles on Toll Expressways ay maaaring magkabisa simula Enero sa susunod na taon, ani Bautista.

Ang joint memorandum circular ay nilagdaan ng DOTr, Toll Regulatory Board, at Land Transportation Office para ipatupad ang cashless toll collection gamit ang RFID.

Sinabi ng DOTr na ang impormasyon mula sa pampublikong konsultasyon, kabilang ang mga datos sa mga lumabag, ay susuriin para sa posibleng pag-amyenda sa circular. RNT