MANILA, Philippines – Mahigit 10,000 sites na ang tinanggal ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) bilang bahagi ng pagsugpo ng gobyerno laban sa ilegal na online gambling.
Sinabi ni CICC Acting Executive Director Renato Paraiso sa isang press conference na ang tagumpay ay nakamit sa pamamagitan ng whole-of-society approach sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga pribadong partner.
Pinuri rin nito ang social media influencers na sina Sachsna Laparan at Big Boy Cheng na sumang-ayon na ihinto ang pagtataguyod ng ilegal na online gambling at nagsilbing mga tagapagtaguyod ng responsableng paglalaro.
Hiniling din ng CICC at private partner nitong Digital Pinoys na tanggalin ang mga pages ng 30 social media influencers dahil sa kanilang pagkakasangkot sa ilegal na online gambling.
Kabilang sa mga pages na ito ang Luisito Vlogs, Kuya Chris, Jonaah Jacob, Perkz Gaming, Waampipti, Kin Jacob, Hailey, Boss Dats, Paldita Gaming, Vic Desucatan, Master Bebe (Postings), Magda, Meos Velance, Biboy Lang Pala, Siquijor Viners, at Kuya Chris/Don Pablo.
Hiniling din ng CICC ang pagtanggal ng pages at karagdagang imbestigasyon sa Jonah Jacob, Yolo, Brusko Bros, Gagamboy Gaming, Vanessa Raval, Scatterman, Purunggoy Gaming, Mommy Scatter, Boss Rem X Boss Madam, Donr Napakasherep, Patdo Gaming 2.0, Melisa Streaming TV / Maldita Plays, Yansen, at Boss Lucio.
Sa ngayon, nakakalap ang threat monitoring center ng CICC at Digital Pinoys reporting site ng 1,610 illegal gambling sites.
Ang mga site na ito ay kadalasang kahalintulad ng 146 ilegal gambling sites, kung saan siyam na URLs ay tinanggal na.