MANILA, Philippines – Hihilingin ng Department of Justice (DOJ) na kanselahin ang pasaporte ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma matapos maglabas ang trial court ng arrest order laban sa kanya.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla na kailangang maghain ng petisyon ang DOJ para sa pagkansela ng pasaporte sa korte.
Gayunpaman, aniya, naniniwala pa rin siya na babalik si Garma sa Pilipinas.
Umalis si Garma sa bansa noong Setyembre 7 upang maging saksi laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Sinabi ni Remulla na batid ng ICC na si Garma ay nahaharap sa mga kaso nang hilingin sa kanya na maging saksi.
Aniya, tatalakayin niya kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime B. Santiago kung dapat hilingin sa International Criminal Police Organization (Interpol) na mag-isyu ng “red notice” laban kay Garma.