Home NATIONWIDE Higit 120 e-wallet users nagpasaklolo sa NBI sa ‘unauthorized’ transactions

Higit 120 e-wallet users nagpasaklolo sa NBI sa ‘unauthorized’ transactions

MANILA, Philippines- Iniimbestigahan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mahigit 120 e-wallet accounts matapos magreklamo ang mga account holder na nalipat ang kanilang pera kahit wala naman umano silang ginawang transaksyon.

Isa sa mga naging biktima ay dumulog sa NBI Cybercrime Division dahil naubos umano ang laman ng kanilang Maya e-wallet app.

Ayon sa biktima, Disyembre 2023 nang makatanggap ng notification na mababa na ang balanse ng kanyang account na naglalaman ng mahigit P20,000.

Lalo pa umano siyang kinabahan nang makita sa kanilang post na under maintenance ang app mula Disyembre 28-31 bukod pa sa wala itong makausap sa customer service.

Wala rin umano siyang natanggap na notification, email, o text ng one time password (OTP) para ipadala ang kanyang pera.

Nang tawagan naman ang number kung saan nalipat ang kanyang pera, deactivated na ito.

Nang ibahagi ng biktima ang kanyang karanasan sa social media, mahigit 120 account holders ang nagkomento na maging sila ay nawalan din ng pera noong parehong linggo hanggang nitong Enero 2024.

Nasa 30 na ang nagreklamo sa NBI mula sa iba’t ibang lugar kaya naman bilang tugon, ipatatawag ng ahensya ang pamunuan ng Maya para magpaliwamag at alamin kung may kinalaman ang nangyari sa system maintenance.

Sinabi ni NBI Cybercrime Division Atty. Jetemy Lotoc na aalamin nila kung may inside job at potential cyber criminals na sangkot.

Ayon sa Maya, nakarating na sa kanila ang mga ulat ng umano’y “unauthorized transactions.”

Pagtitiyak ng Maya,  ang insidente ay kanila nang iniimbestigahan at nagsasagawa ng naaangkop na mga hakbang upang matugunan ang mga ito.

Hinihikayat din nila ang mga gumagamit ng app na maging mapanuri sa mga online transaction at bantayan ang personal na detalye. Jocelyn Tabangcura-Domenden