Home NATIONWIDE Higit 120 Filipino scientists bumalik sa bansa sa ‘Balik Scientist’ program –...

Higit 120 Filipino scientists bumalik sa bansa sa ‘Balik Scientist’ program – DOST

MANILA, Philippines – Mahigit 120 Filipino scientists ang nakabalik na sa Pilipinas hanggang noong nakaraang taon para ibahagi ang kanilang mga kaalaman at kasanayan sa local science scene bilang bahagi ng “Balik Scientist Program” ng Department of Science and Technology.

Ayon kay Science Secretary Renato Solidum nitong Lunes, Pebrero 3, ilan sa mga nagbalik noong nakaraang taon ay nagdesisyong manatili sa Pilipinas nang tuluyan.

“Sa July 2022 hanggang end of 2024, mahigit 120 plus ang ating napabalik na mga siyentista. Ang iba dito ay permanent na,” ani Solidum.

“Kasi yung ating engagement sa ‘Balik Scientist’ ay 15 days to six months; six months to one year; and one year to three years.”

“Pero yung bumalik na dito, mas natutulungan natin kasi nabibigyan natin sila ng grant-in-aid funds para makabili ng mga laboratory, makapag-set up ng mga labs, at marami na silang mga technology na nade-develop para makatulong,” dagdag pa ng opisyal.

Layon ng “Balik Scientist” program na tugunan ang brain drain sa bansa sa paghimok sa Pinoy scientists na bumalik sa Pilipinas at ibahagi ang kanilang mga kaalaman, at para paunlarin ang human capital sa larangan ng science.

Kabilang sa mga priority area sa pagbabalik ng mga scientist ay ang agrikultura, aquatic, natural resources, health, energy, at emerging technology.

Layon din ng DOST na panatilihin ang bilang ng mga future scientist kasabay ng libo-libong mga nag-aaral sa Philippine Science High School (PSHS) at pagkuha ng degree programs sa
science, technology, and mathematics (STEM).

Ayon sa kagawaran, mayroong 10,000 scholars sa PSHS; nas 50,000 college students sa STEM degrees, at 5,000 na kumukuha ng masters at doctorate degrees sa science and technology.

“Kailangan natin mag-build ng ecosystem para patuloy yung gagawa ng mga research at innovation dito sa Pilipinas,” ani Solidum. RNT/JGC