Bulacan – Patay ang binatang motorcycle rider habang binawian din ng buhay ang kanyang aksidenteng nabangga sa bayan ng Paombong.
Kinilala ang rider sa pangalang Jomar, 21, estudyante habang ang aksidenteng nabangga ay nagngangalang Bien, 58 kapwa residente ng Sapang Patay, Brgy. San Isidro II.
Sa report ng Paombong police station, naganap ang insidente bandang 9:00 ng gabi nitong Pebrero sa nasabing lugar.
Ayon sa report, habang binabagtas ng rider lulan ng Yamaha Aerox ang patungong Paombong proper ay aksidenteng nabangga ang isang lalaking tumatawid.
Agad dinala ang dalawa na nagtamo ng malalang pinsala sa kanilang mga katawan sa Bulacan Medical Center para sa paunang lunas subalit patay na ang mga ito.
Kaugnay nito, nag-viral sa Facebook ang naturang insidente matapos dagsain ng komento ng netizen kung sino ang may kasalanan sa nangyari.
Sa huli, dinagsa pa rin ng pakikiramay ng mga netizen ang naturang post at nagpahayag ang karamihan na maging maingat at kung maari ay marahan sa pagmamaneho ng motorsiklo lalo na ang mga kabataan. Dick Mirasol III