Home NATIONWIDE Higit 13.4M estudyante apektado ng class suspensions dulot ng bagyong Opong

Higit 13.4M estudyante apektado ng class suspensions dulot ng bagyong Opong

286
0

MANILA, Philippines – Mahigit 13.4 milyong estudyante ang apektado ng kabi-kabilang suspensyon ng klase sa 13 rehiyon dahil sa pinagsamang epekto ng Severe Tropical Storm “Opong” at southwest monsoon o Habagat, ayon sa ulat ng Department of Education–Disaster Risk Reduction and Management Service (DepEd-DRRMS) nitong Biyernes, Setyembre 26.

Hanggang nitong Setyembre 25, nasa kabuuang 13,417,105 mag-aaral at 574,237 education personnel sa 24,553 pampublikong paaralan sa ilalim ng 130 dibisyon ang lumipat sa alternative delivery modes of learning kasunod ng abiso mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan at disaster councils.

Ayon sa DepEd-DRRMS, mayroong 687 paaralan sa limang rehiyon ang ginagamit bilang evacuation centers, na tumatanggap ng mga evacuee sa 3,100 silid-aralan.

Naitala sa Region 5 (Bicol) ang pinakamaraming bilang sa 589 paaralan na binuksan, sinundan ng Calabarzon (Region 4A) sa 71, habang may maliliit na bilang din ng mga paaralan ang apektado sa Regions 8 (Eastern Visayas), I (Ilocos), at III (Central Luzon).

Sa datos, naitala sa Bicol, Eastern Visayas, at Mimaropa (Region 4B) ang pinakamataas na bilang ng mga apektadong paaralan na may mahigit 3,500 bawat rehiyon, sinundan ng National Capital Region (NCR) at Northern Mindanao (Region 10).

Kasabay nito, iginiit ng DepEd sa mga field office at mga paaralan na maghanda ng emergency measures, kabilang ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga local DRRM councils, pagmonitor sa mga bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), pagkakaroon ng contingency plans, at pagsisiguro ng mga learning material at kagamitan, maging ang mga emergency supply. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here