Home NATIONWIDE Higit 153K dayuhan nakibahagi sa 2024 annual report ng BI

Higit 153K dayuhan nakibahagi sa 2024 annual report ng BI

MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na umabot sa mahigit 153,000 foreign nationals ang nakibahagi sa taunang ulat ngayong taon ng mga dayuhan na may hawak ng immigrant at non-immigrant visa sa bansa.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na may kabuuang 153,651 dayuhan ang lumahok sa 2024 Annual Report na nagsimula noong Enero 1 at natapos noong Marso 1.

Sinabi ni Tansingco na ang reportees ngayong taon ay mas mataas ng 13 porsyento kumpara sa 136,065 dayuhang nag-ulat para sa kanilang taunang ulat noong 2023.

“It is a positive sign that more and more aliens are applying for residency in the Philippines, unlike during the COVID-19 pandemic when only few aliens visited the country,” ani Tansingco.

Ipinaliwanag niya na ang mga dayuhan lamang na nakarehistro sa BI bilang mga imigrante at hindi imigrante ang kinakailangang gumawa ng taunang ulat, at hindi mga dayuhang turista o mga temporary visitor.

Ang mga imigrante ay permanenteng residente sa Pilipinas habang ang mga hindi imigrante ay tumutukoy sa mga pansamantalang residente tulad ng mga dayuhang manggagawa o expatriates at mga estudyante.

Ayon kay Atty. Jose Carlitos Licas, BI alien registration chief, na 49,556 Chinese nationals ang nanguna sa listahan ng mga reportees ngayong taon, na sinundan ng 26,123 Indians, 11,671 Vietnamese, 10,912 Americans, at 7,800 Taiwanese.

Aniya, nasa top 10 din ang 6,448 South Koreans, 6,019 Indonesians, 5,214 Japanese, 3,392 Britons, at 2,804 Malaysians.

Inihayag din ni Licas na 80 porsyento ng mga dayuhan ay walk-in o iniulat nang personal sa BI field, extension at satellite office gayundin sa mga piling shopping mall sa Metro Manila at sa iba pang lugar na naging lugar para sa taunang ulat ngayong taon.

Gayundin, sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng BI, pinahintulutan ng taunang ulat ngayong taon ang halos 8,000 dayuhan na mag-ulat at magbayad ng kanilang mga bayarin online.

Nabatid na halos P16 milyon ang kinita ng gobyerno mula sa annual report ngayong taon, kumpara sa koleksyon noong nakaraang taon na P11 milyon.

Sa ilalim ng alien registration act ng 1950, ang mga dayuhang nakarehistro sa BI ay kinakailangang gumawa ng taunang ulat sa loob ng unang 60 araw ng bawat taon ng kalendaryo. JAY Reyes

Previous articleHarassment ng CCG sa PCG vessel kinumpirma ng security analyst
Next articleAFP: Implementasyon ng bagong ‘defense concept’ walang layong manganti sa WPS