Home METRO Higit 2.1M pasahero aasahang bibiyahe sa Undas; Ligtas, maayos na biyahe tiniyak...

Higit 2.1M pasahero aasahang bibiyahe sa Undas; Ligtas, maayos na biyahe tiniyak ng DOTr

271
0

MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa higit 2.1 milyong pasahero ang dadaan sa PITX mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4, ayon kay PITX Head Jason Salvador.

Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Salvador na asahan ang pinakamataas na dagsa ng pasahero sa Oktubre 30, partikular mula alas-5 ng hapon, kaya hinimok ng PITX ang publiko na mag-book online at agahan ang biyahe.

Tiniyak din ni Salvador na sapat ang supply ng mga bus at nanawagan na huwag magdala ng mga delikadong bagay o mga ipinagbabawal sa mga terminal.

Ayon naman kay DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, patuloy ang hakbang ng kagawaran upang gawing ligtas at komportable ang biyahe ng mga commuter, hindi lang ngayong Undas kundi sa buong holiday season.

Binigyang-diin ni Lopez ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa fixer at mga abusadong kawani at hinikayat ang mga enforcer na seryosohin ang implementasyon sa kalsada.

Kasabay nito, tiniyak ni Transport Security Chief Gilbert Cruz na mahigpit na binabantayan laban sa “laglag bala” sa mga paliparan, at maglalagay ng dagdag na CCTV camera sa mga inspection table bago mag-Disyembre para sa seguridad ng parehong pasahero at inspektor. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here