MANILA, Philippines- Nakatakdang umuwi na ng Pilipinas, simula ngayong araw ng Lunes, Marso 24 ang 206 Filipino na nailigtas mula sa scam farms at rebeldeng grupo sa Myanmar.
Sa isang panayam, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) na Undersecretary Eduardo de Vega na 30 Filipino ang naka-iskedyul na magbalik-Pinas na susundan ng 176, araw ng Martes.
Ani De Vega, ang mga Pinoy ay bahagi ng foreign workers sa Myanmar na pwersahang pinagtrabaho at ginamit sa scam farms.
“Kasama ito sa iba-ibang lahi. Marami sila, libo-libo sila na nandoon. Napilitan magsara yung mga scam factories dahil (na cut) yung kanilang mga kuryente,” wika pa ng opisyal.
Ang pinakamalala pa aniya, dinukotang mga ito ng mga armadong grupo na nakikipaglaban sa gobyerno.
“Kinidnap sila ng mga rebel groups kasi ang mga teritoryo nuon hindi hawak ng Myanmar military government, hawak ng mga armed groups so sila ngayon ang mga kumukupkop sa mga ito bago i-turn over sa Myanmar,” ang sinabi ni De Vega.
Sa kabilang dako, mayroon namang DFA team na makakasama ang Myanmar authorities na tatanggap sa mga Filipino sa river crossing point malapit sa Thai border.
Ang mga papauwiing Pinoy ay dadalhin sa Bangkok kung saan doon magmumula ang biyahe pabalik ng Pilipinas.
Sa kanilang pagbabalik, makatatanggap ng tulong ang mga Filipino sa kanilang reintegrasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, isa na rito ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
“Kukunin ang salaysay nila para tignan kung paano mahihinto ang illegal recruitment,” aniya pa rin.
Tinuran pa ni De Vega na may 50 Filipino pa ang nangangailangan ng tulong mula sa Myanmar scam farms. Sinabi nito na nakikipag-usap na ang gobyerno sa Myanmar authorities at naniniwalang sa kalaunan ay maililigtas din ang mga ito.
Sa kabila ng mga nasabing kaganapan, sinabi ng departamento na may ilang Filipino ang naeengganyo pa ring maghanap ng trabaho sa Myanmar kung saan may nagpapatuloy na civil war.
Sa katunayan, may nagaganap na recruitment online. Sinasabing maraming Pinoy na nakumbinsi ay nagtatrabaho sa Dubai, sinabihan na magtatrabaho ang mga ito bilang customer service representatives sa Bangkok, Thailand.
Sa kanilang pagdating, susunduin ang mga Pinoy mula sa airport at ibibiyahe ‘by land’ sa loob ng walong oras patungong Myanmar.
“Kung may pangakong trabaho sa Thailand, huwag puntahan kung hindi ito dadaan sa proseso. Kailangan ng work visa– daan ng proseso,” ang sinabi ni De Vega.
Samantala, sinabi pa ng DFA na may mga Pinoy din na nagtatrabaho sa scam farms sa Laos at Cambodia. Posible rin na ang investors ng establisimyentong ito ay maaaring lumipat sa Africa bunsod ng kamakailan lamang na pagsasara kaya nga maaaring may mga Pinoy ang bumiyahe sa Nigeria.
Idinagdag pa nito na susubukan ng IACAT na idetermina kung paano ang mga Pinoy ay na-scam at kung ang ilan sa mga ito na magbabalik sa bansa ay mga recruiters. Kris Jose