Home ENTERTAINMENT Higit 2,000 Pampanga farmers nakalaya na sa utang

Higit 2,000 Pampanga farmers nakalaya na sa utang

(via PBBM News Update FB Page)

NAMAHAGI si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., 30 na Certificates of Land Ownership (CLOAs) at 2,939 na Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) para sa 2,500 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBS) sa lalawigan ng Pampanga.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa Bacolor, Pampanga, sinabi nito na ang distribusyon ng COCROMs at CLOAs ay makatutulong para pagaanin ang situwasyon at kalagayan ng mga magsasaka kasunod ng serte ng mga bagyo na tumama sa bansa sa nakalipas na buwan.

Sa kabuuan, may 2,487 ARBS ang nakatanggap ng COCROMs habang 28 iba pa ang nakatanggap ng kanilang CLOAs.

Sa pagtanggap sa COCROMs, sinabi ng Pangulo na ang mga ARBs ay nakalaya na mula sa pagkakautang na may kabuuang P206.38 milyon kabilang na ang ‘amortization, interest, at iba pang surcharges.’

“Simula ngayon, pinapawalang-bisa na po natin ang inyong utang sa lupang ipinagkaloob sa inyo sa ilalim ng repormang agraryo,” ayon sa Pangulo.

“Isang hakbang ito upang pagtibayin pa ang sektor ng agrikultura at matulungan na maiangat ang antas ng pamumuhay ng ating mga magsasaka,” dagdag na wika nito.

Sa kaparehong event, kinilala naman ng Punong Ehekutibo ang papel ng Pampanga sa pag-unlad ng bansa.

Binigyang diin ng Chief Executive ang partnership sa pagitan ng public at private sector sa lalawigan sa pamamagitan ng Partnership Against Hunger and Poverty Program.

“Sa tulong ng Partnership Against Hunger and Poverty Program ng gobyerno, isa sa mga kapuri-puring kontribusyon ng inyong probinsya ay ang patuloy na pagsu-supply ng itlog sa ating mga Persons Deprived of Liberty o ‘yung tinatawag na mga PDL sa mga bilangguan o BJMP na facilities,” ang winika ng Pangulo.

“Ang programang ito ay isang halimbawa ng magandang pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan,” aniya pa rin.

Ang Pampanga ang nangungunang producer ng mga itlog sa Gitnang Luzon. Ang lalawigan ang bumubuo sa 17.7% ng pangkalahatang produksyon ng itlog sa bansa.

Samantala, sinabi pa rin ni Pangulong Marcos na ang pagpaparami sa ‘seedling nurseries’ sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ay mapakikinabangan ng ‘agriculture, food specialty, at food processing industry’ sa bansa.

Kabilang ang mga ito sa mga bagong estratehiya na nakikita ng pamahalaan na magagamit para bawasan ang pagsandal sa importasyon ng agricultural goods para matustusan ang local demand.

Nabanggit ang panukala sa pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa Private Sector Advisory Council (PSAC), araw ng Martes, kung saan ang mga unused lands o mga hindi na nagagamit na mga lupaing pag-aari ng State Universities and Colleges (SUCs) ay nakita para muling gamitin para sa seedling production.

“Pampanga, known as the Culinary Capital of the Philippines, would benefit from the initiative,” ang tinuran pa rin ni Pangulong Marcos.

“Sigurado ako na sa ganitong paraan ay makakatulong ito sa ilang pangunahing industriya ninyo rito sa Pampanga, kagaya ng pagsasaka, specialty food, at ang food processing,” lahad nito. Kris Jose