MANILA, Philippines – HINDI DIREKTANG magpapartisipa ang US Task Force Ayungin ng Estados Unidos sa aktuwal na misyon ng puwersa ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ang US Task Force Ayungin ay bahagi ng suporta ng Estados Unidos sa Philippine forces para sa maritime zones ng bansa.
Sa ulat ni Chino Gaston para sa “24 Oras”, araw ng Huwebes, sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na ang mga miyembro ng Task Force Ayungin, ang grupo na tinukoy ni US Pentagon chief Lloyd Austin sa kanyang naging pagbisita sa Palawan ay hindi kasama sa aktuwal na misyon sa WPS.
“ISR maritime domain awareness, so tumutulong sila sa pagbibigay ng information about that,” ang sinabi ni Año.
“On actual direct participation, it is a purely Philippine operation, the [Western Command] supported by the Philippine Coast Guard,” ang tinuran pa rin ni Año.
Sa kabilang dako, sa isang kalatas, sinabi naman ni US Embassy spokesperson Kanishka Gangopadhyay na pinalakas ng task force ang “coordination and interoperability” sa pagitan ng magkaalyadong puwersa sa karagatan.
“Task Force Ayungin enhances US-Philippine Alliance coordination and interoperability by enabling US forces to support Armed Forces of the Philippines (AFP) activities in the South China Sea,”ayon kay Gangopadhyay.
Winika pa ni Gangopadhyay na ang inisyatiba ay nakahanay kasama ang linya ng pagtutulungan sa pagitan ng puwersa ng Pilipinas at Estados Unidos.
Kabilang na rito ang pag-proseso ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) at Bantay Dagat framework, “in addition to our long-standing shared efforts to address regional challenges, foster stability, and promote a free and open Indo-Pacific region.”