Home METRO Higit 260 pamilya inilikas sa Pasay sa epekto ng bagyong Kristine

Higit 260 pamilya inilikas sa Pasay sa epekto ng bagyong Kristine

MANILA, Philippines – Umabot sa 261 pamilya na nakatira sa mababang lugar sa Pasay ang inilikas sa iba’t-ibang evacuation centers sa lungsod dahil sa hagupit at pananalasa ng Severe Tropical Storm (STS) Kristine nitong Huwebes, Oktubre 24.

Karamihan sa mga residente na inilikas sa mataas na lugar ay nanggaling sa mga barangay ng Villamor, Maricaban at Malibay kung saan mababang lugar ang mga ito na naapektuhan sa pagpapakawala ng tubig sa Magallanes, Makati dakong alas 7:00 ng gabi na nagdulot ng mabilis na pagtaas ng tubig baha na napasabay pa sa nakatakdang high tide.

Sa inilabas na update ng Pasay City Public information Office (PIO) ng alas 12:24 ng hatinggabi, nasa 23 evacuation centers ang pinagdalhan sa inilikas na mga residente sa lungsod kung saan ang pinakamaraming pamilya na pinaglipatan ay sa Apelo Cruz Elementary School (ACES) na umabot sa 95 pamilya.

48 pamilya naman ang inilikas sa Barangay 186 covered court habang 34 pamilya din ang inilipat sa Villamor gym samantalang may 12 pamilya ang nasa Barangay 144 hall at tig-10 pamilya din ang nasa Brgy. 199 hall at Brgy 177 hall.

Ang iba pang evacuation centers na pinagdalhan ng mga evacuees ay sa Barangay Kalayaan na may 8 pamilya; Brgy. 153 hall at Brgy. 190 hall (6 pamilya); Brgy. 182 (3rd floor CDC) at Bahay Bulilit CDC (5 pamilya); Brgy. 193 (4 pamilya); Brgy. 178 gym (3 pamilya); Brgy. 180 hall (3 pamilya); Brgy. 188 hall (3 pamilya); Brgy. 194 hall (3 pamilya); Brgy. 200 hall (3 pamilya); Brgy. 134 hall (2 pamilya); Brgy. 196 hall (2 pamilya); Brgy. 198 hall (2 pamilya); Brgy. 14 hall (1 pamilya); Rafael Palma Elementary School (RPES) (1 pamilya); at Rivera Elementary School (RES) (1 pamilya).

Maaaring makipag-ugnayan sa Pasay City Trunkline 888-PASAY(72729) loc. 1371, 1372 o 1373 para sa dagling tulong o rescue.

Samantala, sa kasagsagan ng pananalasa ng STS Kristine ay sumiklab naman ang sunog na tumupok ng mga residential na kabahayan na nagsimula sa isang bahay sa 44 Dapitan St., Barangay 6, Pasay City.

Ayon sa Pasay Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas 11:30 ng gabi kung saan idineklara ang unang alarma dakong alas 11:37 ng gabi.

Walong fire trucks ang rumesponde sa lugar habang idineklara ang fire under control ng 12:18 ng hatinggabi.

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang pinanggalingan ng apoy pati na rin ang halaga ng napinsalang ari-arian. James I. Catapusan