MANILA, Philippines – Patay ang anim na indibidwal sa magkakahiwalay na insidente ng pagragasa ng baha sa Batangas nitong Huwebes, Oktubre 24 sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Ayon sa impormasyon, lima ang patay sa ragasa ng baha na may kasamang bato, kahoy at putik sa Agoncillo.
Sinabi ni Vice Mayor Daniel Reyes na dalawa sa mga biktima ay mula sa Barangay Subic Ilaya, at dalawa ang mula sa Barangay Subic Ibaba. Mayroon ding isa ang nasawi sa Barangay Panhulan.
Sa kasalukuyan ay marami rin ang nawawala.
Kinukumpirma pa ang ulat na mayroong mga residenteng natabunan ng lupa sa Barangay Bilibinwang. Pahirapang mapasok ang naturang barangay.
Samantala, isa naman ang nasawi habang dalawa ang sugatan nang matabunan ng mga torso at bato ang kanilang tirahan sa Barangay Poblacion sa bayan ng Laurel.
Ani Mayor Lyndon Bruce, marami pa ang nawawala dahil sa insidente mula sa Barangay Bugaan West, Gulod at Molinete.
Isolated ngayon ang bayan ng Laurel dahil sa mga bumarang torso at bato. RNT/JGC