Home NATIONWIDE Higit 3.7M katao apektado ng habagat, bagyong Luis at Maymay

Higit 3.7M katao apektado ng habagat, bagyong Luis at Maymay

1
0

MANILA, Philippines – Umabot na sa 3,733,883 katao o 1,087,246 pamilya ang naapektuhan ng habagat at ng Tropical Cyclones Luis at Maymay, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Kabilang sa mga apektadong lugar ang National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.

Sa kabuuang bilang, 53,570 indibidwal o 15,017 pamilya ang pansamantalang nananatili sa 553 evacuation centers.

Ayon sa NDRRMC, 1,339 bahay ang nawasak, habang umabot sa P2.6 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at P347 milyon ang pinsala sa agrikultura.

Nananatili namang 21 ang kumpirmadong nasawi dahil sa epekto ng mga weather system.

Sa bilang na ito, 15 ang mula sa Benguet dahil sa landslide sa La Trinidad, Baguio, at Atok.

Sa Rizal, tatlo ang nasawi—dalawa sa Rodriguez dahil sa rockslide at isa sa Antipolo matapos matamaan ng natumbang puno.

Ang natitirang tatlong nasawi ay mula sa Batangas dahil sa pagkalunod, pagkakakuryente, at landslide.

Mayroon ding 14 na nasugatan, kung saan 11 ay mula sa Benguet, habang tig-iisa naman ang naitala sa Ilocos Sur, Rizal, at Cavite dahil sa landslide, malakas na agos ng tubig, at aksidente sa sasakyan.

Sa ngayon, umabot na sa P458 milyon ang naipamahaging tulong sa mga biktima ng kalamidad. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here