Home NATIONWIDE Higit 3,000 nagbigyan ng trabaho sa PH Independence Day job fairs –...

Higit 3,000 nagbigyan ng trabaho sa PH Independence Day job fairs – DOLE

MANILA, Philippines- Hired-on-the-spot ang mahigit 3,000 naghahanap ng trabaho sa nationwide Independence Day job fairs ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Base sa inisyal na datos mula sa DOLE, kabuuang 25,876 indibidwal ang nagparehistro para sa massive job fairs sa buong 50 sites sa bansa noong Hunyo 12.

Kabuuang 3,364 aplikante ang na-hire on the spot, kung saan 274 dito ay senior high school (SHS) graduates, isa ang person with a disability (PWD), at 10 ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program beneficiaries.

Tinanggap sila para sa iba’t ibang posisyon tulad ng cashier, service crew, production operator, ESL teacher, bagger, sales associate, clerk, production crew, loan officer, at store clerk.

Samantala, sinabi ng labor department na humigit-kumulang 4,676 naghahanap ng trabaho ang malapit nang matanggap o ma-hire habang hinihintay ang pinal na pagsusuri o pagsusumite ng dokumento, habang 21,419 ang itinuring na ganap na kwalipikado para sa available positions.

May kabuuang 1,573 employer sa buong bansa ang lumahok sa event, na nag-aalok ng 153,187 local at overseas job vacancies sa mga industriya ng manufacturing, retail, business process outsourcing (BPO), accommodation, at financial/ insurance activities.

Kabilang sa mga nangungunang bakante ang mga production operator, sales clerk, call center representative, service crew, at microfinance officer.

Ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho na may edad 15 pataas ay nasa humigit-kumulang 1.94 milyon, o humigit-kumulang 3.8% ng populasyon, batay sa datos ng Pebrero 2025 na iniulat kamakailan ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang bilang ng underemployment — o mga gustong magkaroon ng karagdagang oras ng trabaho, ibang trabaho, o bagong trabaho na may mas mahabang oras ng trabaho ay nasa 10.1%. Jocelyn Tabangcura-Domenden