MANILA, Philippines – Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Lunes na umabot na sa 30,522 pamilya o 102,406 katao mula sa 87 barangay sa Bicol Region ang apektado ng matinding ashfall ng Mayon Volcano nitong nakaraang weekend.
Ayon kay OCD deputy spokesperson Diego Mariano, batay ito sa datos mula sa OCD Region 5.
“Of these, 1,438 families (333 families were evacuated last May 2) or 5,440 persons are currently inside evacuation centers, while 26 families or 85 persons are being assisted outside evacuation centers,” aniya.
Sinabi ni Mariano na patuloy na ibinibigay ng mga lokal na pamahalaan, katuwang ang mga ahensya ng gobyerno, ang lahat ng tulong at serbisyo na kailangan ng mga evacuee.
“We will update the data as soon as additional official reports arrive,” dagdag niya.
Dagdag pa niya, bilang implementing arm ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, tinitiyak ng OCD ang buong koordinasyon ng gobyerno sa pagtugon sa sitwasyon ng Mayon, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad tulungan ang mga apektadong pamilya.
Nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano.
Ayon pa kay Mariano, patuloy ang koordinasyon, monitoring, at response operations ng OCD Region 5 upang matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad.
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapadala ng water trucks, paggamit ng water filtration systems, pamimigay ng N-95 masks at malongs, at road clearing upang manatiling madaanan ang mga kalsada.
“We assure the public that the situation is being closely monitored, preparedness measures remain should conditions change. We urge the public to follow the authorities, especially the strict enforcement of the six-kilometer Permanent Danger Zone, and to remain vigilant at all times,” bigay-diin ni Mariano. RNT/MND