Home HOME BANNER STORY Higit 4.5M indibidwal naapektuhan ng bagyong Egay, Falcon at habagat – NDRRMC

Higit 4.5M indibidwal naapektuhan ng bagyong Egay, Falcon at habagat – NDRRMC

MANILA, Philippines – Umakyat na sa 4.5 milyon ang bilang ng mga apektadong residente dahil sa bagyong Egay, Falcon at southwest monsoon o habagat, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes, Agosto 8.

Sa pinakahuling situational report, sinabi ng NDRRMC na naapektuhan ng bagyong Egay, Falcon at habagat ang 4,534,351 residente o 1,204,000 pamilya sa 5,346 barangay sa buong bansa.

Naitala rin ng ahensya ang 125,739 displaced persons sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa (Mindoro Oriental and Occidental, Marinduque, Romblon, and Palawan), Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, and Quezon) at Western Visayas.

Nasa kabuuang bilang na 32,081 ang nananatili sa evacuation centers habang ang 93,658 iba pa ay nasa tirahan sa ibang lugar.

Samantala, umakyat naman sa 30 ang death toll, habang 171 ang nasaktan, at 10 ang nawawala.

Sa nabanggit na bilang ng mga nasawi, apat pa lamang ang kumpirmado.

Nakapagbigay na rin ang NDRRMC ng P464,848,763 halaga ng ayuda. RNT/JGC