MANILA, Philippines- Arestado ang isang Chinese national dahil sa umano’y pagsasanay ng medisina nang walang lisensya at pangangasiwa ng isang ospital sa Pasay.
Base sa ulat nitong Linggo, nadakip ang suspek sa National Bureau of Investigation-Dangerous Drugs Division undercover operation kung saan nagreseta umano ang suspek ng gamot at tumanggap ng bayad para sa kanyang mga serbisyo.
Isa pang Chinese national ang naaresto sa parehong operasyon.
Kontrolado umano ng suspek ang tatlong palapag na gusali, na may kumpletong hospital set-up, kung saan siya madalas humarap sa mga pasyente.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang isang ultrasound machine, stethoscopes, prescription pads, medicine tablets, at iba pang medical equipment.
Batay pa sa ulat, nagreseta ang doktor ng ilang medicine tablets na inirekomenda niya sa kanyang mga pasyente na sabay-sabay inumin.
Samantala, iginiit ng suspek na hindi siya doktor.
“I am not directly applying medicine. I am just applying injections, prescribing medicines. [I did not] know that it is illegal to practice medicine here in the Philippines without a license,” anang suspek.
“’Yung practice of medicine [in the Philippines] ay reserved to Filipinos. You have to be a Filipino para makapag-practice ka niyan. Number 2, you have to graduate ng medicine and you have to pass the board exams,” wika ni NBI Dangerous Drugs Division chief Attorney Ross Jonathan Galicia. RNT/SA