Home METRO Baril, bala buking sa bahay ng dating sundalo

Baril, bala buking sa bahay ng dating sundalo

TUGUEGARAO CITY, Cagayan- Nakumpiska ng mga awtoridad ang high-powered guns at mga bala sa search warrant operation sa tahanan ng retiradong sundalo sa Sitio Camagong, Barangay Sampaguita, Solana, Cagayan nitong Sabado.

Sinabi ni Police Brig. Gen. Christopher C. Birung, PRO-2 chief, pitong indibidwal ang naaresto habang isa pa ang sugatan sa operasyon.

Nakatakas naman ang apat na indibidwal, kabilang ang retiradong sundalo na subject ng operasyon, sa shootout.

Narekober sa operasyon ang dalawang rifle grenades, isang caliber .38 revolver na may anim na bala, isang improvised shotgun na kargado ng bala, isang air gun, mga bala at magazine assembly para sa M14 rifle, dalawang caliber .45 pistol, isang R4 rifle na pagmamay-ari ng Armed Forces of the Philippines (AFP), magazine assemblies, at mga bala.

Pinuri naman ni Birung ang mga pulis para sa matagumpay na operasyon.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. RNT/SA