Home NATIONWIDE DPWH: Pinsala ng M7.8 lindol sa GenSan umabot na sa ₱1 bilyon

DPWH: Pinsala ng M7.8 lindol sa GenSan umabot na sa ₱1 bilyon

1
0

GENERAL SANTOS, Philippines – Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), umabot na sa humigit-kumulang ₱1 bilyon ang pinsala sa General Santos City pa lamang matapos ang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

“Obviously, napakalakas nito. Isa ito sa pinakamalakas sa mundo this year,” pahayag ni DPWH Secretary Vince Dizon.

“Initial assessment, merong roughly running total nasa isang bilyon na yung damages sa iba’t ibang building sa Gensan pa lang ‘yon,” dagdag niya.

Ayon sa DPWH, makikipag-ugnayan sila sa mga local government units para tukuyin ang mga critical na gusali, magsagawa ng damage assessment, at tiyakin ang kaligtasan ng imprastraktura sa gitna ng posibleng aftershocks.

Nagpaalala rin ang PHIVOLCS na posibleng magtagal ang aftershocks ng ilang araw hanggang linggo, at maaaring umabot sa magnitude 6.8 ang ilan.

Pinapayuhan din ang publiko na huwag munang pumasok sa mga gusaling may bitak o pinsala.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), umakyat na sa 19 ang kumpirmadong nasawi, habang 134 ang sugatan at 7 ang nawawala.

Tinatayang 10,000 pamilya mula Sarangani at Sultan Kudarat ang inilikas, habang 700 pamilya ang direktang naapektuhan.

Patuloy ang search, rescue, at retrieval operations sa mga apektadong lugar.

Naitala ang lindol bandang 7:37 a.m., at kalauna’y itinaas sa magnitude 7.8 na may lalim na 33 kilometro sa offshore Sarangani.

Nagpatupad si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga apektadong lugar, habang tiniyak ng Department of Education na iniinspeksyon na ang mga paaralan.

Nanatili ring naka-monitor ang gobyerno sa sitwasyon habang nagpapatuloy ang tulong at rehabilitasyon sa mga apektadong komunidad. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here