
MANILA, Philippines- Nadakip ng mga awtoridad ang 401 foreign workers ng umano’y Philippine offshore gaming operator (POGO) scam hub na nagsasagawa ng operasyon sa isang 10-storey building malapit sa Macapagal Boulevard sa Pasay City nitong Miyerkules.
Pinangunahan ng mga lokal na awtoridad mula sa Pasay City government ang raid kasama ang mga operatiba mula sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), Department of Justice Office of Cybercrime (DOJ-OOC) at sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) matapos makatanggap ng ulat na nagsasagawa ng POGO operation sa gusali.
“We received an intelligence report na mayroong nag-o-operate ng POGO dito. Last year, may pinasara na kami dito sa 6th floor and alam ko sa 8th floor na POGO,” pahayag ni Pasay Business Permits and Licensing Office (BPLO) head Atty. Patrick Legaspi.
Inihayag din ng Pasay BPLO na ang kompanyang umookupa sa 6th hanggang 10th floors ng gusali ay walang business permit o business license mula sa Pasay City government.
Basehan ito para sa Mission Order na ipinalabas ng lokal na pamahalaan upang pasukin ang kompanya.
“Obviously itong grupo ng mga mag-po-POGO na ito, harap-harapan nang binabastos ang mga batas natin. Masyado na silang garapal despite may closure order na sila from PAGCOR ay nag ooperate pa rin sila ng full blast,” giit ni PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz.
Anang PAOCC, narito ang breakdown ng foreign nationals na nadakip:
Chinese Nationals – 207
Vietnamese Nationals – 132
Korean Nationals-24
Malaysian Nationals – 11
Indonesian Nationals – 14
Myanmar Nationals – 12
Madagascar National – 1