Home NATIONWIDE TOL nangako ng patuloy na suporta sa barangay frontliners

TOL nangako ng patuloy na suporta sa barangay frontliners

Nangako si reelectionist Senator Francis 'TOL' Tolentino na patuloy na magtatrabaho para sa kapakanan ng barangay frontliners. Bilang isang dating local chief executive mismo, alam na alam ni Tol ang sitwasyon sa mga komunidad.

Lipa City, Batangas – Nangako si reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino na patuloy na magtatrabaho para sa mga hakbang na magbibigay suporta sa barangay frontliners, kasunod ng pagpasa ng dalawang pangunahing panukalang batas na magpapalakas sa grassroots governance. 

Sa pakikipagpulong sa 70 barangay captains sa lungsod ng Lipa, idinetalye ni Tolentino ang tungkol sa Senate Bill (SB) 2815, na nagtatakda ng term of office ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK), at SB 2838, mas kilala bilang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHWs).

Ipinasa ng Senado ang dalawang panukalang batas bago mag-break ang sesyon noong unang bahagi ng buwang ito. 

Sinabi ni Tolentino na ang SB 2815 ay naglalayon na ang barangay polls na nakatakda ngayong Disyembre ay iurong sa Setyembre, 2027 upang bigyan ng karagdagang oras ang mga kasalukuyang nanunungkulan na maipatupad ang kanilang mga programa.

Samantala, kinikilala ng SB 2838 ang mga kontribusyon ng BHWs sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng buwanang honoraria mula sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Health.

“I strongly supported these bills because I know the realities on the ground as a former local chief executive myself,” sabi ng dating alkalde ng Tagaytay, pangulo ng League of Cities of the Philippines, at chairman ng Metro Manila Development Authority.

Nang tanungin ng isang kapitan ng barangay kung ang Senado sa susunod na Kongreso ay maaari ring magtrabaho para sa kapakanan ng iba pang frontliners ng nayon, tulad ng pagbibigay ng SSS at PhilHealth membership para sa mga barangay tanod (village watchmen), ibinigay ni Tolentino ang kanyang buong pangako.

“Siguro hindi lang mga barangay tanod, pati na rin sa mga barangay nutrition scholars at daycare workers. Matagal na akong nagtrabaho sa community frontliners, nakita ko ang kanilang dedikasyon at alam ko ang kanilang mga alalahanin at pangangailangan,” sabi ni Tolentino.

Ang pagpupulong sa mga barangay kapitan ay nagbigay-diin sa mga aktibidad ni Tolentino sa Lipa noong Miyerkules. 

Nauna rito, nag-courtesy call ang senador kay Mayor Eric Africa, at pinangunahan ang motorcade sa paligid ng lungsod, huminto sa public market, kung saan nakipag-ugnayan ang senador sa mga market vendors at consumers. RNT