Home NATIONWIDE Suporta ng ADB sa Pinas pinuri ni PBBM

Suporta ng ADB sa Pinas pinuri ni PBBM

MANILA, Philippines- Pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagpapatuloy na suporta ng Asian Development Bank (ADB) para sa Pilipinas na may mahalagang kontribusyon sa economic development ng bansa.

Sa courtesy call ni newly-elected ADB President Masato Kanda sa Palasyo ng Malakanyang, inalala ng Pangulo ang long-standing support ng ADB sa Pilipinas, nagsimula sa administrasyon ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

Matatandaang Disyembre 19, 1966, pinasinayaan ang ADB sa Maynila, kung saan mayroon lamang 31 miyembro noong panahon na iyon, nagsilbi sa agricultural region. Si Takeshi Watanabe ang unang Pangulo ng ADB. Sa kasalukuyan, may 69 na miyembro na ito, 49 ay mula sa Asya.

Inilarawan ng Pangulo ang ADB bilang “most important partner” ng Pilipinas sabay sabing, “The partnership between the ADB and the Philippines has been tremendous.”

Sa kabilang dako, ang mga proyekto na pinondohan ng Asian Development Bank (ADB) ay bahagi ng inisyatiba ng kasalukuyang administrasyon. Ito ay ang Bataan-Cavite Interlink Bridge Project, Davao Public Transport Modernization Project, Climate Change Action Program, Build Universal Health Care Program, Health System Enhancement to Address and Limit COVID-19 (HEAL) Project, Competitive and Inclusive Agriculture Development Program, at ang Walang Gutom 2027: Food Stamp Program.

“I mean the development that we have achieved that being assisted by the ADB, which is the most important partner that we have had in the Philippines,” ang sinabi ng Pangulo sa bagong halal na ADB President.

Samantala, umupo naman si Kanda bilang halal na pangulo ng ADB noong Pebrero 24, 2025, para kumpletuhin ang natitirang termino ng ‘immediate past’ President Masatsugu Asakawa, kung saan ang termino ay mapapaso sa November 23, 2026.

“And yet, we find that in the last years, recent years, that has even increased. And so, I think, it is very encouraging, very promising,” ayon sa Pangulo. Kris Jose