MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health kaugnay sa lumalaking kaso ng mga tinatamaan ng Advanced HIV Disease (AHD) sa bansa.
Kasabay ng 16th Plenary Meeting ng Philippine National AIDS Council, sinabi ng DOH na hanggang noong Agosto 2024, mayroon nang 40,934 kaso ng AHD sa bansa.
Nagrerepresenta ito ng 30% ng lahat ng cumulative cases mula 1984.
“To prevent HIV/AIDS, we must get tested early as this helps avoid late-stage disease that can kill. Then, people living with HIV who stay on treatment can and do live happy and healthy lives,” sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa.
Tinukoy ng World Health Organization ang AHD bilang pagkakaroon ng CD4 cell count na mas mababa sa 200 cells per-cubic-millimeter ng dugo, o nasa Stage 3 o 4 sa mga matatanda at adolescents.
Ang CD4 ay uri ng white blood cell, na tinatawag na T-cells, na naglalakbay sa buong katawan at layong sirain ang pathogenic microbes, katulad ng bacteria at viruses.
Sinabi ng DOH na ang late diagnosis ay nag-aambag sa tumataas na bilang ng naitatalang namamatay dahil sa HIV, o nasa 8,246 na simula noong 1984.
Patuloy ding tumataas ang namamatay taon-taon mula sa mas mababa sa 100 noong 2011, ay nasa mahigit 400 na pagsapit ng 2015 at 879 noong 2022.
Karamihan sa mga namamatay ay lalaki edad 25 hanggang 34 anyos. RNT/JGC