MANILA, Philippines – Sinabi nitong Biyernes, Oktubre 11 ng South Korean firm na Miru Systems Inc. na nagsumite ito ng bagong Net Financial Contracting Capacity (NFCC) sa Commission on Elections (Comelec) kasunod ng pag-withdraw ng lokal na financier nito sa kanilang joint venture (JV) para sa 2025 May polls.
Sinabi ng Miru na ang Integrated Computer Systems (ICS) — isa sa kanilang mga lokal na kasosyo para sa JV – ang nagtustos ng NFCC. Ang isa pang Filipino firm sa partnership ay ang Centerpoint Solutions Technologies, Inc. (CSTI).
“ICS previously did not submit their NFCC due to several ongoing projects. As these projects have been completed, they are now qualified to provide the NFCC,” sabi ng Miru sa isang pahayag.
Ayon sa Comelec, ang NFCC ay isang compliance document na kailangan bilang bahagi ng procurement process.
Sinabi ng Miru na ang pagsusumite ng NFCC ay tumitiyak sa Comelec na ang natitirang mga kasosyo sa JV ay “may kakayahang sumunod at kumpletuhin ang mga tuntunin ng kasunduan” para sa halalan sa susunod na taon sa kabila ng paglabas ng St. Timothy Construction Corporation (STCC).
Noong nakaraang linggo ay inanunsyo ni Comelec Chairman George Garcia ang pag-atras ng STCC sa partnership sa gitna ng impormasyon na ilan sa may-ari nito ay nagpahayag ng kagustuhang tumakbo sa national at local elections (NLE).
Kalaunan ay inaprubahan ng Comelec en banc ang pag-atras nito.
Nauna nang sinabi ni Garcia na walang epekto ang pag-withdraw ng STCC sa 2025 NLE dahil nakasunod na ang Miru sa karamihan ng mga obligasyon nito sa ilalim ng P17.99 bilyong kontrata.
Nitong Oktubre 11, nakatanggap ang Comelec ng 63,480 sa 110,000 automated counting machines (ACMs) para sa 2025 NLE.
Nauna rito, sinabi ng South Korean firm Miru Systems Inc. na target nitong tapusin ang paghahatid ng 110,000 ACMs sa Nobyembre. Jocelyn Tabangcura-Domenden