Home NATIONWIDE Higit 5K pasahero apektado sa flight cancellations sa pagsabog ng Kanlaon

Higit 5K pasahero apektado sa flight cancellations sa pagsabog ng Kanlaon

MANILA, Philippines – Tinatayang pumalo na sa 5,057 ang bilang ng mga pasaherong apektado ng flight cancellations sa ibat ibang paliparan sa bansa.

Ito ay bunsod ng nangyaring pagputok ng bulkang Kanlaon sa Negros Occidental Lunes ng gabi, Hunyo 3.

Ayon sa inilabas na situationer report ng Civil Aviation Authority of the Philippines, pumalo na sa 66 ang bilang ng mga kanseladong flights ngayong araw.

Nagbuga Lunes ng gabi ng nasa limang libong metrong taas ng plumes o abo ang bulkang Kanlaon dahilan para magkaroon ng volcanic ash ang himpapawid/airspace sa mga kalapit na paliparan nito.

Naglabas naman ng anunsyo ang CAAP na lahat ng morning flights mapa-inbound o outbound sa Bacolod Silay Airport ay kanselado.

Paliwanag ng CAAP, ito ay bunsod ng phreatic explosion ng Bulkang Kanlaon.

Base naman sa impormasyong natanggap ng CAAP mula sa mga airline station managers na ang mga afternoon flights ay maaari nang makabyahe depende sa sitwasyon o update sa mga aktibidad ng bulkang Kanlaon.

Samantala, balik-operasyon na ang Bacolod – Silay Airport ngayong hapon ng Martes.

Ito ang pinakahuling pahayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Area Center 6 – matapos kumpirmahin ito sa kanila ng mga airline managers.

Alas-11 ng umaga ngayong araw nang magbalik operasyon ang naturang airport matapos nga ang mga kanselasyon ng iba’t ibang mga flights dahil sa pag-aaluburuto ng bulkang Kanlaon.

Abiso ng CAAP sa mga pasaherong naapektuhan ng flight schedules na makipag-ugnayan sa kanilang mga airline companies para sa karagdagang impormasyon.

Sa huling impormasyon, naiparating na ng mga airlines sa kanilang pasahero ang estado ng kani-kanilang mga byahe. Dave Baluyot