Home NATIONWIDE Higit 7K kababaihan, LGBTQIA+ members nakinabang sa livelihood program ng OVP

Higit 7K kababaihan, LGBTQIA+ members nakinabang sa livelihood program ng OVP

MANILA, Philippines- Umabot na sa 7,561 kababaihan at mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual (LGBTQIA+) community sa bansa ang natulungan ng MagNegosyo Ta ‘Day program ng Office of the Vice President (OVP) ngayong taon.

“Umabot na sa 7,561 ang naging benepisyaryo kung saan ang bawat grupo ay makakatanggap ng P150,000 at P15,000 para sa mga individual beneficiaries upang mas mapaunlad pa ang kanilang mga negosyo,” ayon sa OVP sa Facebook post nito, araw ng Martes.

Partikular na ipinagkaloob ng OVP ang entrepreneurial opportunities o suporta sa 14 na grupo at 99 indibidwal mula Enero hanggang Setyembre.

Tiniyak din nito ang patuloy na rollout ng MagNegosyo Ta ‘Day sa ibang bahagi ng bansa.

“Patuloy na maglilingkod ang OVP sa pamamagitan ng mga serbisyong may pangmatagalang epekto sa buhay ng sambayanang Pilipino,” ayon sa OVP.

Samantala, ang MagNegosyo Ta ‘Day ay inilunsad sa ilalim ng panunungkulan ni Vice President Sara Duterte para magbigay ng livelihood at employment opportunities sa mga kababaihan at mga miyembro ng vulnerable o disadvantaged sectors. Kris Jose