CAVITE, Philippines – Mahigit 810 banca operators ang nakatanggap ng fuel subsidy sa Rosario, Cavite bilang tulong sa kanilang pang-araw-araw na operasyon.
Ang tulong na fuel subsidy ay inisyatiba ni Mayor Jose Voltaire V. Ricafrente at Vice Mayor Bamm Gonzales, na parehong nanguna sa pagpapaigting ng suporta para sa sektor ng pangingisda sa kanilang komunidad.
Ayon sa kanila, layunin ng programa na mapagaan ang gastusin ng mga mangingisda, at masiguro na tuloy-tuloy ang kanilang kabuhayan sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa mga benepisyaryo, malaking tulong ang fuel subsidy para sa kanilang pang-araw-araw na biyahe sa dagat.
“Dati, nag-aalala kami kung sapat pa ba ang gasolina sa bawat biyahe. Ngayon, mas nakakapag-focus kami sa aming hanapbuhay,” ani isang banca operator na tumanggap ng ayuda.
Hindi lamang pinapadali ng fuel subsidy ang operasyon ng mga mangingisda, kundi nagbibigay rin ito ng garantiya sa seguridad ng pagkain sa komunidad, dahil mas maraming sariwang isda ang naihahatid sa pamilihan.
Sa ganitong paraan, nakikinabang hindi lamang ang mga mangingisda kundi pati ang mga mamamayan sa kanilang lugar.
Sa patuloy na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga mangingisda, inaasahang mas mapapalakas pa ang sektor ng pangingisda at matutugunan ang mga pangangailangan ng komunidad, kahit na sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya. MARGIE BAUTISTA