MANILA, Philippines – Palalawigin pa ng gobyerno ang karagdagang P1.28 bilyong pisong suporta para sa mga transport workers na ibibigay sa Abril 6, 2026.
“Mahigit 256,000 na transport workers sa Metro Manila ang nakatanggap na ng P5,000 na cash assistance,” ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isang presidential address.
“May P1.28 bilyon pa na ibibigay. Magsisimula na ang nationwide na pagbibigay sa April 6,” ang winika pa ng Pangulo.
Binalangkas naman ng Pangulo ang mga hakbang na isinasagawa na ng gobyerno kabilang na ang 50-percent fare discount para sa LRT-2 at MRT-3, mapakikinabangan ng mahigit sa 12 milyong karagdagang pasahero.
“Libreng Sakay” in Metro Manila, Metro Cebu, and Metro Davao is also being implemented,” aniya pa rin.
Kasabay nito, isang temporary toll discount ang pinalawig naman sa jeepney, bus, at freight food transport sa NLEX, SLEX, at STAR, ang tinuran ng Pangulo.
Samantala, inanunsyo ng Pangulo na simula sa Abril 15, maniningil ang mga daungan ng P1 RORO terminal fee para sa mga sasakyan na may kargang agricultural products.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na naglaan ang gobyerno ng P2.5 billion na fuel subsidies para sa mahigit na 1.4 million driver-beneficiaries at unit operators. May 155 drivers at 55,252 unit operators ang nakatanggap na ng fuel subsidy na nagkakahalaga ng P300 milyong piso. (KRIS JOSE)