GOOD news para sa mga miyembro ng PhilHealth! Hindi lang seguridad ang dala ng bagong PhilHealth Check Utility (PCU), kundi pati na rin ang mabilis na serbisyo na wala nang halong “red tape.” Dahil sa pakikipag-kapit-bisig ng PhilHealth sa Philippine Statistics Authority (PSA), asahan na ang mas swabe at mabilis na pagproseso ng inyong mga benepisyo sa mga ospital at klinika sa buong bansa.
Layunin ng proyektong ito na tuluyang alisin ang sakit ng ulo ng mga pasyente sa mahabang pila at mabusising dokumento. Sa ilalim ng PCU, ang iyong National ID na ang magsisilbing “golden ticket” para ma-verify ang iyong records.
Mas mapabilis at mapalapit ang serbisyo sa bawat Filipino, opisyal nang pinagtibay ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Philippine Statistics Authority (PSA) ang kanilang alyansa sa pamamagitan ng PhilSys Colocation Initiative. Ang hakbang na ito ay hindi lamang basta paglalagay ng booth sa mga opisina; ito ay isang estratehikong galaw upang gawing “one-stop shop” ang mga sangay ng PhilHealth para sa mga mamamayang wala pa o nagnanais mag-update ng kanilang National ID.
Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, mahigit 91 milyong Filipino na ang rehistrado sa PhilSys. Sa ilalim ng bagong inisyatibong ito, ang mga miyembro ng PhilHealth na pupunta sa kanilang mga tanggapan ay maaari na ring dumaan sa PSA counter para sa kanilang registration o verification.
L
ayunin nitong bawasan ang pagod at gastos ng mga kababayan natin na kailangang magpabalik-balik sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para lamang sa kanilang mga dokumento.
Ang colocation na ito ay direktang nakatali sa pagpapatupad ng PhilHealth Check Utility (PCU). Dahil ang National ID ang magsisilbing pangunahing basehan ng identity verification sa mga ospital, mahalagang masiguro na ang bawat miyembro ay mayroon nito.
Sa pamamagitan ng pagkakapit-bisig ng PSA at PhilHealth, mas mabilis na mai-integrate ang biometric data ng mga miyembro sa healthcare system. Ibig sabihin, ang iyong fingerprint o facial recognition na nakuha sa PSA ay magagamit na rin para ma-verify ang iyong PhilHealth benefits sa oras ng pangangailangan.
Ang proyektong ito ay bahagi na rin ng mas malawak na mga programa ng PhilHealth gaya ng “Yaman ng Kalusugan Program” (YAKAP) at “Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment” (GAMOT). Sa tulong ng PhilSys, masisiguro na ang mga gamot at serbisyong medikal ay diretso sa tamang tao at hindi nabubulsa ng mga mapagsamantala.
Binigyang-diin ni Dr. Edwin Mercado, Presidente at CEO ng PhilHealth, na ang digital transformation na ito ay para sa lahat. Sa tulong ng colocation initiative, tinitiyak ng gobyerno na ang mga benepisyo ay nagiging “hassle-free” at “accessible.” Ito ay patunay na kapag ang mga ahensya ng pamahalaan ay nagtulungan, ang serbisyo ay nagiging mas mabilis, mas tapat, at tunay na makatao para sa bawat Juan at Maria.






