MANILA, Philippines – Nanatiling ‘at large’ sa bansa ang higit sa 9,000 dating Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Lunes.
Sa isinagawang pagdinig ng House Quad Committee (QuadComm), sinabi ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz na pansamantalang sinuspinde ang kanilang operasyon dahil sa overcrowding sa detention facility ng ahensya sa Pasay City.
Ayon kay Cruz, mahigit 600 dayuhan ang kasalukuyang nakadetine sa nasabing pasilidad.
Aniya, karamihan sa mga ito ay hindi pa naipade-deport dahil sa nawawalang mga pasaporte. Dagdag pa rito, ilan sa mga detainee ay na-diagnose na may tuberculosis, hepatitis B, respiratory infections, at human immunodeficiency virus (HIV) — dahilan upang ang ilan ay ipasailalim na sa cremation.
Inihayag rin ni Cruz na gumagastos ang PAOCC ng humigit-kumulang ₱2 milyon kada buwan para sa pagkain, healthcare, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga detainee.
Kabilang sa mga rekomendasyon ni Cruz ang pagbuo ng centralized database upang masubaybayan ang mga ilegal na operasyon at mas mapabilis ang real-time intelligence sharing sa pagitan ng mga ahensya.
Iminungkahi rin niya na sanayin at bigyan ng tamang kagamitan ang mga local government units (LGUs) upang matukoy ang mga nagtatagong POGO workers, lalo na’t ginagamit na umano ngayon ng mga ito ang guerilla-style operations.
Dagdag pa ni Cruz, dapat mapabuti ang deportation process sa pamamagitan ng mas malapit na koordinasyon sa mga foreign embassies, at palakasin ang regional cooperation.
Nabatid sa pagdinig na 750 foreign nationals na ang naaresto ng mga awtoridad sa 10 malalaking pagsalakay ngayong 2025. Dahil sa pinaigting na operasyon at ipinatupad na total ban ng POGO sa bansa, lumipat na umano ang kanilang mga operasyon sa Visayas, Mindanao, at maging sa mga bansang Cambodia, Vietnam, at Laos. May ulat din ng paglipat sa Timor-Leste, Papua New Guinea, at Republic of Vanuatu.
Samantala, iginiit ni Manila Rep. Benny Abante ang pangangailangan ng isang ‘all-government approach’ sa pag-aresto sa mga undocumented alien, kung saan magsasanib-puwersa ang PAOCC, NBI, at Bureau of Immigration (BI).
Sinabi naman ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gregorio Catapang Jr. na maaaring pansamantalang idetine ang mga dayuhang inaaresto ng NBI at BI sa New Bilibid Prison (NBP) habang hinihintay ang deportation proceedings.
Ayon kay Catapang, ang kanilang pasilidad ay may kapasidad na tumanggap ng 100 detainees mula sa NBI at 500 mula sa BI. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)