MANILA, Philippines – Nahuli sa isinagawang interdiction operation ng Ninoy Aquino International Airport – Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang pasahero na nasamsaman ng limang gramo ng hinihinalang shabu, Martes ng hatinggabi, Hunyo 10.
Kinilala ang suspek sa alyas na Jovimar, 31 anyos, residente ng Tourism Road, Poblacion V, Purok V, General Luna, Surigao del Norte.
Ayon sa ulat ng NAIA-IADITG, inaresto si Jovimar bandang 12:24 ng umaga sa Final Security Screening Checkpoint sa Domestic Departure Area ng NAIA Terminal 3 sa Pasay City.
Napag-alaman sa imbestigasyon na si Jovimar ay pasahero ng Cebu Pacific Airlines Flight 5J 553 patungong Cebu. Nang dumaan siya sa security screening, narekober sa kanyang pagmamay-ari ang tatlong plastic sachets na naglalaman ng shabu na tinatayang limang gramo at nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱34,000.
Bukod sa iligal na droga, nakumpiska rin sa kanyang duffle bag ang mga sumusunod:
-Isang sling bag na may tatlong heat-sealed transparent sachets ng droga na nakaipit sa kanyang wallet
-Tatlong blister pack ng El Toro muscle enhancer
-Isang puting kahon ng sewing kit at apat na capsuled vitamins
-Dalawang itim na wallet na may iba’t ibang denominasyon ng Philippine peso
-Improvised tooter
-Bulto ng damit, sapatos, underwear, at cords
-Isang speaker, power bank
-Dalawang ID na nakapangalan sa suspek
-Dalawang disposable lighters
Ang lahat ng nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para sa kaukulang laboratory examination.
Samantala, ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 26 (Attempt to Transport) na may kaugnayan sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at isinampa na ang kaso sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga kinatawan mula sa PDEA RO NCR, Bureau of Customs–Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF), PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI). (James I. Catapusan | Photos by Jimmy Hao)