Home NATIONWIDE Higit P2-B pekeng yosi nasabat ng BIR, CIDG sa Bulacan

Higit P2-B pekeng yosi nasabat ng BIR, CIDG sa Bulacan

MANILA, Philippines – HIGIT P2 bilyon halaga ng mga pekeng sigarilyo at smuggling equipment ang nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa dalawang araw na operasyon na isinagawa sa Valenzuela City at San Rafael, Bulacan.

Isinagawa ang nasabing pagsalakay sa ilalim ng BIR Mission Order na nakatuon sa Bulacan, na sinasabing pangunahing sentro ng iligal na produksyon ng mga pekeng sigarilyo, na pagkatapos ay ipinamahagi sa Valenzuela.

Nabatid na maraming indibidwal ang inaresto, kabilang ang mga dayuhang kinilala bilang alyas “Yanliang,” “Rock,” “Zizhan,” “Zili,” at “Ziqiang,” na naaresto sa Valenzuela, at isang alyas “WU” sa Bulacan.

Samantala, nasa 155 na biktima ng human trafficking ang nailigtas mula sa iligal na pabrika sa San Rafael, Bulacan, na itinuturing na malakihang illegal manufacturing at distribution operation.

Sa ginawang operasyon ay nadiskubre na ang sinalakay na iligal na planta ay may kapasidad na makagawa ng tinatayang 12.9 milyong sigarilyo araw-araw, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P45 milyon bawat araw.

Tinatayang nasa P1.24 bilyon ang kabuuang market value ng mga nakumpiskang gamit sa planta, kabilang ang production machinery at raw materials.

Samantala, nakumpiska ng mga awtoridad ang malaking halaga ng mga ipinagbabawal na branded na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P1.158 bilyon sa tatlong magkakahiwalay na operasyon sa Valenzuela.

Ang mga naarestong suspek ay inilipat sa kustodiya ng CIDG Anti-Fraud and Commercial Crime Unit (AFCCU) para sa dokumentasyon at karagdagang legal na pagproseso, habang ang lahat ng nakumpiskang ebidensya ay nananatili sa pansamantalang kustodiya ng BIR.

Napag alaman na inihahanda na ang mga kasong paglabag sa ilalim ng Republic Act (RA) 9208, Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 (na inamyendahan ng RA 10364), at RA 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) laban sa mga suspek. Jay Reyes