MANILA, Philippines- Nakumpiska ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mahigit P3.6 milyong halaga ng puslit na sigarilyo sa serye ng mga operasyon sa Central Mindanao.
Sinabi ni CIDG director Maj. Gen. Leo Francisco na bahagi ang mga operasyon ng Oplan Megashopper na inilunsad matapos ipag-utos ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa kapulisan na asistihan ang national government sa pagtugis sa smuggling activities.
Isinagawa umano ang mga operasyon sa Sultan Kudarat, Sarangani, North Cotabato, South Cotabato at Koronadal City noong Setyembre 5.
“These coordinated operations resulted in the apprehension of several suspects and the confiscation of smuggled cigarettes with an estimated value exceeding PhP3.6 million, along with a vehicle valued at P833,000,” wika ni Francisco.
Nagresulta umano ang mga operasyon sa pagkakaaresto sa pitong indibidwal na nagbebenta umano ng mga puslit na sigarilyo.
Naghain na ng mga kasong may kaugnay sa Republic Act 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act, laban sa mga naarestong suspek at mga kasabwat umano ng mga ito.
Kabilang sa mga nasamsam na item ang iba’t ibang brand ng sigarilyo na gagamiting ebidensya laban sa mga suspek.
“The confiscated items are currently being processed for documentation and proper disposition. To ensure transparency and compliance with procedural standards, the operations were documented using Alternative Recording Devices (ARDs),” ani Francisco. RNT/SA